Health workers nangangamba sa kanilang kalusugan dahil sa 2019-nCoV

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2020 08:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nangangamba ang grupo ng health workers sa kanilang kalusugan sa bantang pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus dahil sa umano'y kakulangan ng pasilidad laban sa pagkalat ng virus.

Pangamba ng Alliance of Health Workers na kulang ang protective equipment para sa health workers, at ma-e-expose umano sila sa mga may sakit bago pa man malaman kung nahawaan na ng bagong coronavirus ang pasyente.

Sila umano ang unang nilalapitan sa mga ospital.

"Ang kalusugan ng mga health workers delikado dahil hindi natin alam kung ito talagang PUI na ito ay postive o negative, wala namang binibigay kaagad na personal protective equipment para dun sa ating mga health workers," ayon kay Robert Mendoza, pangulo ng Alliance of Health Workers sa isang protesta.

Sumiklab ang protesta kasunog ng pagpanaw ni Li Wenliang, na umano'y unang nagbunyag sa sakit sa social media, matapos ma-expose sa mg pasyenteng nagpositibo sa bagong coronavirus sa Wuhan, China.

Dahil dito, nanawagan ang grupong Filipino Nurses United sa World Health Organization na magbigay ng mga patakaran sa mga ospital kung paano poprotektahan ang mga nurse para hindi mahawa sa sakit.

"May mga ospital na ang nurses iniisyuhan lamang ng mask once a week. Yung iba, hanggang gloves lang. Hindi po total protection... Nagiging vulnerable sila na magkaroon ng ganitong sakit,” ani Maristela Abenojar, pangulo ng grupo.

Hangad din ng grupo na maging tapat at maagap ang DOH sa pag-anunsiyo kung nagpositibo ang isang pasyente para sa kaligtasan ng mga health worker.

Pero giit ni Health Secretary Francisco Duque, agaran naman daw nilang binibigay ang kailangang impomasyon sa publiko.

"We can’t be more transparent with the daily briefings. If they have a better idea, they’re welcome to write us a letter," ani Duque sa puna ng mga grupo.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nababahala siya sa kakulangan ng mga imprastraktura at serbisyo ng gobyerno sa pangkalusugan.

"Kung totoong may malasakit sila, bumisita sila sa mga ospital, nasa sahig na ang mga pasyente," ani Duterte.

"Sa emergency room, lalo na sa gabi, maraming pasyente ang naghihintay na mabigyan lang ng serbisyo," dagdag niya.

Para kay Duterte, prayoridad ngayon na matugunan ng bawat opisyal ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga health worker at mga pampublikong ospital.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.