8 timbog, higit P1.4-M halaga ng droga nasamsam sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 02:28 PM

MAYNILA — Walong tao ang naaresto sa isang anti-illegal drug operation sa Dasmariñas, Cavite, kung saan nakumpiska ang nasa higit P1.4 milyon halaga ng droga, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Kasama sa mga naaresto ang magkapatid na Erjon at Erwin Olidan, na nagbebenta umano ng ilegal na droga at ipinagagamit ang kanilang bahay sa Barangay Paliparan 3 para sa mga drug session, ayon kay Col. Marlon Santos, hepe ng Cavite Provincial Police Office.

Nakatanggap umano ng sumbong ang pulisya ukol sa ilegal na aktibidad ng magkapatid kaya nagkasa ng operasyon laban sa mga ito.

"'Yong mga nakukuha nilang shabu, binebenta rin nila," ani Santos.

Anim na iba pa, karamihan ay mga construction worker, ang naaresto sa operasyon.

Nakumpiska sa mga suspek ang 150 gramo ng shabu na may halagang P1.02 milyon at 250 gramo ng marijuana nanagkakahalagang P400,000, ayon sa pulisya.

May nakuha rin umanong 8 baril kung saan 2 rito ay pagmamay-ari ng magkapatid na Olidan.

"'Yong ibang baril, hindi sa kanila. Ang siste, isasangla ang baril, kapalit ng shabu," ani Santos.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung dawit sa ibang krimen ang magkapatid.

Nakadetene sa Dasmariñas Police Station ang mga suspek, na kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.