'Tulak' patay sa Bacoor drug bust

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 12:20 PM

Patay ang isang hinihinalang tulak matapos mauwi sa barilan ang isang buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite nitong madaling araw ng Martes, ayon sa pulisya.

Target ng operasyon si Jonel Derain, na nagtutulak umano ng shabu sa Barangay Sineguelasan at dating miyembro ng isang notoryus na drug group, ayon kay Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Naaresto rin sa operasyon ang 2 lalaking sinasabing runner ni Derain at nakumpiska ang nasa 30 gramo ng shabu na nagkakahalagang P200,000.

Nauwi umano sa barilan ang operasyon nang malaman ni Derain na mga pulis na nagpapanggap na buyer ang kaniyang katransaksiyon.

Dating miyembro si Derain ng isang drug group pero nang mapatay ang lider nito sa isang raid noong Agosto 2018, bumuo ng sariling grupo ang suspek, ani Cabatingan.

Ayon kay Caridad Sanchez, chairperson ng Barangay Sineguelasan, ilang beses nang pinagsasabihan si Derain na ihinto ang mga ilegal na aktibidad nito pero hindi raw ito nakinig.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.