Seguridad pinaigting sa Lanao Del Norte para sa Bangsamoro plebiscite

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 09:15 PM

Watch more in iWantTFC

Hinigpitan na ang seguridad sa Lanao Del Norte dahil sa plebisito para sa Bangsamoro Organic Law sa Miyerkoles.

Huhusgahan sa botohan kung papayag ba ang Lanao Del Norte na mapasama sa bagong Bangsamoro Autonomous Region ang mga bayan nitong Baloi, Munai, Nunungan, Pantar, Tagoloan, at Tangkal.

Ilang truck ng mga sundalo ang dumagdag nitong Lunes sa puwersa ng militar sa Lanao Del Norte para magbantay. May higit 3,000 pulis naman ang ipinakalat ng Philippine National Police (PNP).

Wala pa namang nakikitang banta ang militar sa nakatakdang botohan.

"Wala namang major threat pero sabi nga natin, mas maganda pa rin iyong naghahanda," ani Brigadier General Thomas Sedano Jr., commander ng 2nd Mechanized Infantry Brigade.

May 380,000 botante ang inaasahang tutungo sa mga presinto para bumoto.

Nanawagan naman si Joseph Cuevas, provincial supervisor ng Commission on Elections sa Lanao Del Norte, sa mga botante na huwag matakot bumoto.

Kasunod ito ng pangambang dulot ng mga pambobomba sa isang simbahan sa Jolo at sa mosque sa Zamboanga.

"Their votes will matter this time ano, kailangan talaga natin marinig iyong boses ng masa," ani Cuevas.

Nagpulong din nitong Lunes ang militar at Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa mapayapang plebisito.

Pero may ibang grupo at mga teroristang binabantayan ang militar kaya mahalaga rin daw na maging mapagmatyag ang publiko para maiwasan ang ano mang banta ng panggugulo. --Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN NewsZ

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.