May-ari ng 'shabu warehouse' sa Cavite iniimbestigahan din

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 07:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang may-ari ng warehouse sa Tanza, Cavite, kung saan natagpuan ang nasa P1.9 bilyong halaga ng shabu.

"Definitely may mga Pilipino na kasama 'yan. May tinututukan tayong tatlo pang persons of interest, Chinese national... 'yong isa siya 'yong gumawa ng kontrata ng owner ng warehouse at saka ng grupo," ani PDEA Director General Aaron Aquino.

Pasado alas-3 ng hapon noong Linggo nang pasukin ng mga operatiba ng PDEA ang warehouse matapos makakuha ng tip mula sa impormante na ginagawa itong imbakan ng ilegal na droga.

Sa kasagsagan ng drug raid, dalawa ang napatay na mga Chinese matapos umanong makipagbarilan sa mga operatiba.

Ayon sa PDEA, mga miyembro ng transnational syndicate ang mga napatay na suspek.

Nasa 274 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P1.9 bilyon ang nasamsam ng PDEA sa warehouse.

Sa tingin ng PDEA ay ipinapasok ngayon sa Pilipinas ang mga droga sa pamamagitan ng "shipside smuggling" matapos maghigpit ang mga paliparan at piyer.

"May barko, halimbawa galing sa Golden Triangle o China... may barko na nagdadala ng volume nito and then nagmi-meet sila sa high seas," ani PDEA Deputy Director for Operations Ruel Lasala.

"'Yong counterpart dito na Chinese din o iba pang nationalities, sakay ng maliliit na bangka, pi-pick-up-in doon," ani Lasala.

Tinutugis na rin ng PDEA ang ilan pang mga kasamahan ng dalawang napatay na Chinese.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.