Mga taga-Taal Volcano Island pinalipat muna ng tirahan

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 03:20 PM

Isang temporary resettlement area sa bayan ng Ibaan, Batangas ang pansamantalang tutuluyan ng mga taga-Taal Volcano Island. Dennis Datu, ABS-CBN News

Sinimulan na ang paglipat ng mga residente ng Taal Volcano Island sa lugar na magsisilbing pansamantala nilang tirahan sa may bayan ng Ibaan, Batangas.

May 123 pamilya mula sa mga barangay ng Alas‑as at Pulang Bato ng bayan ng San Nicolas — na sakop ng volcano island — ang nailipat na sa temporary resettlement area. Nasa 2,000 ang kabuuang bilang ng mga pamilyang kailangang ilipat.

Ang area ay pabahay ng National Housing Authority sa mga sundalo at pulis pero 5 taon na itong hindi ginagamit.

Nasa 800 hanggang 1,000 bahay ang ipagagamit para sa mga residente ng volcano island, ayon kay Joy Montalbo, head ng Batangas Provincial Social Welfare and Development Office.

Delikado pa rin ang pananatili sa isla dahil sakop ito ng permanent danger zone ng Bulkang Taal. Bukod dito, nasira at natabunan din ng makapal na abo mula sa bulkan ang mga barangay ng isla.

Nagbigay ang pamahalaang lokal ng mga trapal bilang pangharang dahil wala pang pansara ang mga bintana at pinto ng mga bahay sa resettlement area.

Kinabitan na rin ang mga bahay ng mga toilet bowl, at mga linya ng kuryente at tubig.

Libreng ipagagamit ang mga bahay habang hindi pa nakahahanap ng relocation site ang provincial government ng Batangas para sa mga taga-volcano island.

Kabuhayan naman ang hiling ng mga evacuee lalo at wala na silang babalikan sa volcano island.

May programang inihahanda ang gobyerno para sa mga apektadong residente, ayon kay Celia Atienza, head ng Batangas Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office.

Bibilhin ng provincial government sa mga residente ang mga makokolektang abo na iniwan ng bulkan, na gagawing hollow blocks at bricks, ayon kay Atienza.

Naghahanda rin ang provincial government ng livelihood program.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.