Camarines Norte drug bust: P3-M halaga ng 'shabu' nasamsam, 2 arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 01:25 PM

Aabot sa P3 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha sa buy-bust operation sa Santa Elena, Camarines Norte noong Pebrero 2, 2020. Retrato mula sa PDEA-Camarines Norte

Tinatayang nasa P3 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa buy-bust operation sa Santa Elena, Camarines Norte noong gabi ng Linggo, kung saan naaresto rin ang 2 lalaki.

Matapos bentahan ang mga undercover agent, dinampot ng mga awtoridad ang mga suspek na may edad 25 at 47, sabi sa ulat ng lokal na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Camarines Norte.

Nangyari umano ang operasyon sa may Maharlika Highway sa Sitio Watawat, Barangay Tabugon.

Nakuha sa mga suspek ang 2 plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu at may timbang na 500 gramo at nagkakahalaga ng P3 milyon.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

-- Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.