Taxi driver, patay matapos ‘mangholdap’ ng pasaherong pulis

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 06:00 AM | Updated as of Jan 29 2020 06:29 AM

Patay ang isang taxi driver matapos umanong mangholdap ng pasaherong pulis Miyerkoles ng madaling araw sa Parañaque. 

Sumakay ang pasaherong si Police Staff Sgt. Ronald Carpio sa minamanehong taxi ni Elmer Tubil sa isang gasolinahan sa Macapagal Road at nagpahatid sa isang condo sa Dr. A. Santos Avenue.

Nagtaka si Carpio na imbes dumiretso lang ang taxi sa paroroonan, nag-u-turn ito at tinumbok ang madilim na C-5 extension. 

Naghinala ang pulis at inihanda ang bitbit niyang service firearm na 9mm pistol. 

Nang itinabi ng taxi driver ang sasakyan, nagdeklara na siya ng holdap. Tinutukan ng taxi driver ang pasaherong pulis na agad na pinaputukan ang suspek.

Ayon kay Police Col. Robin Sarmiento ng Parañaque Police, may record na sa kanilang istasyon ang plaka ng taxi dahil sa mga reklamo ng mga dating pasahero nito. 

Kahina-hinala rin na iba ang kulay ng loob at labas ng taxi.
 
Narekober ang revolver na ginamit umano ng taxi driver sa pagbabanta sa pasaherong pulis at nakuhanan pa siya ng ilang pakete ng hinihinalang shabu. -Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.