DA, maglalaan ng P250M halaga ng mga proyekto sa Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 03:39 AM

Maglalaan ang pamahalaan ng P250 milyong halaga ng mga agricultural project para sa mga magsasaka at mangingisda ng Negros Oriental upang maibsan ang epekto ng rice tariffication law at magpalakas ng anti-insurgency campaign, ayon kay Agriculture Secretary William Dar.

Ang pondo ay para sa mga tree planting program para sa mga magsasaka at aquaculture para sa mga mangingisda ng Negros Oriental ngayong 2020.

Umabot naman sa P65 milyon ang ibabahagi sa probinsya ng Siquijor.

"Dapat maintindihan na natin at isapuso kasi nandito tayo dahil gusto natin lalago na ang sektor ng agrikultura,” ani Dar.

Ikinagalak naman ito ng mga farmer at fisherfolk organization.

Ayon kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, makakatulong ang paglaan ng pondo para mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka at nang mapigilan ang banta ng insurgency na matagal nang nakaka-apekto sa kalagayan ng probinsya.

Sa idinaos na pulong, ibinahagi rin ng ahensya ang pagkakaroon ng P5 bilyon na pondo na gagamitin sa modernization at farm mechanization ng local rice farmers upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa pag-compete sa international market.-Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.