'Ligtas bags,' food packs hatid sa Taal evacuees sa Nasugbu

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 04:36 PM | Updated as of Jan 28 2020 08:16 PM

Namahagi ng ligtas bags, food packs at hygiene kits ang ABS-CBN sa mga apektado ng pag-alboroto ng Bulkang Taal sa Nasugbu, Batangas. ABS-CBN News

Gustong-gusto nang umuwi ng pamilya ni Nely Marasigan sa kanilang tahanan sa bayan ng Laurel, Batangas.

Pero kasama pa rin ang kanilang lugar na Bugaan East sa mga barangay na naka-lockdown dahil sa banta ng pagsabog ng Bulkang Taal.

"Napakahirap po kasi hindi naman po namin sariling lugar 'to," ani Marasigan, na nananatili sa evacuation center sa Nasugbu.

"Gabi-gabi 'di ka makatulog dahil iniisip mo iyong tahanan mo. Gusto naming umuwi pero hindi pa rin kami puwedeng pauwiin," aniya.

Nang bisitahin naman ng mag-asawang Emma at Eric Acong ang kanilang negosyong sari-sari store sa bayan ng Agoncillo, natuklasan nilang ninakawan ito.

Watch more in iWantTFC

"Napakahirap na po ulit magsimula... tapos mga anak ko po nag-aaral, graduating po 'yong dalawa pero 'di ko alam kung paano sila ga-graduate," ani Emma.

Ikinalungkot naman ni Mariafe Daño na wala nang babalikang tirahan ang kanilang pamilya sa Barangay Alas-as sa bayan ng San Nicolas, na nasa paanan mismo ng nag-alborotong bulkan.

Natabunan kasi ng abo ang bahay.

"Nakabangon na kami sa hirap ng buhay tapos ganito, balik kami sa zero," ani Daño.

Para sa mga nabanggit na biktima ng nag-alborotong bulkan ang "ligtas bag" mula sa "Tulong-Tulong sa Taal" campaign ng ABS-CBN.

Laman ng mga bag ang pagkain, damit, radyo, at iba pang maaaring magamit sa panahon ng ano mang kalamidad.

Nakatanggap din ang mga pamilya ng relief packs at hygiene kits.-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.