Lalaking nangmolestiya umano ng bata sa Makati fast food resto timbog

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2020 04:22 PM | Updated as of Jan 27 2020 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong Linggo ang isang lalaki sa Makati City matapos umanong pakitaan ng maselang bahagi ng katawan ang isang 10 taong gulang na lalaki sa banyo ng isang fast food restaurant.

Ayon sa nanay ng biktima, kumakain ang kaniyang anak na si alyas "Romy" kasama ang tita at pinsan nito sa restoran sa may Barangay Bel-Air nang magpaalam ang bata na pupunta sa banyo.

Sa loob ng banyo, hinablot ng 42 taong gulang na suspek ang kamay ni "Romy" habang nilalaro niya ang kaniyang ari, ayon sa ina.

Nagpumiglas ang bata at agad umanong nagsumbong sa kaniyang mga kasama, dahilan para mapigilan ng crew ng restoran na makaalis ang suspek hanggang sa makarating ang mga pulis.

Iginiit naman ng suspek na umihi lang siya noon at biniro ang bata.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11313 o Bawal Bastos Law ang suspek, ayon kay Makati police chief Col. Rogelio Simon.

Pinayuhan din ni Simon ang mga makakaengkuwentro ng mga katulad ng suspek na huwag matakot, magtawag ng pansin ng iba, at magsumbong sa mga awtoridad. -- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.