19 anyos na namatay noong Sinulog concert inilibing na

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 05:07 PM | Updated as of Jan 28 2019 09:31 PM

Hustisya ang hiling ng pamilya Abad sa kanilang yumaong bunso na si Ashley, na inilibing na nitong Linggo sa Mandaue City, Cebu.

Namatay ang 19 anyos na si Ashley matapos 'di umano ma-overdose sa isang party drug sa kasagsagan ng isang Sinulog concert noong Enero 19.

Watch more in iWantTFC


Emosyonal ang mga kaanak at mga kaibigan sa requiem mass Linggo ng hapon sa Sacred Heart Parish sa Cebu City.

Sa misa, kanilang inalala ang mga panahon na kasama nila si Ashley at kung gaano ito kabait at masayahin na bata.

Hiling ng kapatid ni Ashley na si Arcain Abad na tulungan silang mabigyan ng agarang hustisya ang pagkamatay ng kanilang bunso.

Inilagak na sa kaniyang huling hantungan si Ashley sa Angelicum Garden of Angels sa Mandaue City.

Noong Biyernes, pumayag na ang pamilya Abad na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ni Ashley upang malaman ang sanhi ng pagpanaw ng dalaga.

—Ulat ni Aiza Layague, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.