P1.8-M halaga ng 'shabu' nasamsam, 3 timbog sa Navotas

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 06:47 PM

Retrato mula sa National Capital Region Police Office Public Information Office

MAYNILA — Nasa P1.8 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa 3 lalaking inaresto sa buy-bust operation sa Navotas nitong umaga ng Linggo, ayon sa pulisya.

Sa ulat mula sa National Capital Region Police Office, kinilala ni Northern Police District (NPD) director Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang mga suspek bilang sina Marvin Perales, 25; Marvin Turla, 30; at Cresencio Arroyo, 33.

Bandang 8:30 ng umaga nang hulihin ng mga tauhan ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency ang mga suspek sa Los Martires Street, Barangay San Jose matapos bentahan ng mga ito ang operatibang nagpanggap na buyer, ayon sa ulat.

Nakumpiska umano sa mga suspek ang 6 na sachet at 3 plastic ice bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may timbang na 270 gramo at may halagang P1,836,000.

Nasa kustodiya ng mga pulis ang mga suspek, na kakasuhan ng paglabag sa Section 5 (selling) at Section 11 (illegal possession) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.