Bangkay ng lalaki natagpuan sa dagat sa Palawan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 09:36 PM

RIZAL, Palawan – Isang bangkay ng lalaki ang nakitang nakalubog sa dagat sa Barangay Campong Ulay sa bayan ng Rizal, Palawan Linggo ng umaga.

Pasado alas-8 ng umaga nitong linggo nang makita umano ang bangkay malapit sa dalampasigan. Nagtulung-tulong naman ang mga pulis at residente para maiahon ang bangkay sa dagat.

Hindi agad natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima maliban sa nakasuot ito ng dilaw na damit at pulang shorts.

Pero ayon sa pulisya, noong Enero 23 ay nakita pa ito ng mga residente na palakad-lakad sa lugar at humihingi ng pagkain.

May problema din umano sa pag-iisip ang nasabing lalaki.

“[Enero] 23 po ito nakitang palakad-lakad at nanghihingi po ng pagkain. At ito nga pong 26 ay nakita nga po itong katawan po nito na palutang-lutang at according po dun sa doctor ito po ay nalunod at most likely 24 hours na po ang nakalipas mula nang makita,” paliwanag ni Police Captain Ric Ramos.

Dagdag pa ng pulisya, wala namang nakitang foul play sa pagkamatay ng lalaki.

“Ito po ay mentally challenged at ito pong doctor naman ay nagsasabi na wala po foul play na nakita doon sa katawan at ito nga po ay nalunod po," ani Ramos.

Agad namang inasikaso ng barangay ang bangkay. Napag-alaman naman na taga Barangay Sandoval sa bayan ng Narra ang pamilya nito at sa mga kamag-anak sa Rizal lang ito naninirahan.

Iniimbestigahan pa rin kung paano ito napunta sa dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.