Mga Pinoy sa Singapore, pinag-iingat dulot ng coronavirus sa bansa

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 08:58 PM

MAYNILA—Pinag-iingat ang mga Pilipino sa Singapore matapos maitala ang unang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa naturang bansa.

Sa ipinalabas na advisory ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore nitong Sabado, pinapayuhan ang mga Pinoy na iwasan ang pakikisalamuha sa mga buhay na hayop, kabilang ang poultry at mga ibon at pagkaing hilaw. 

Umiwas din umano sa matataong lugar, lumayo sa mga nagpapakita ng sintomas ng virus, panatilihin ang kalinisan sa katawan, takpan ang bibig kapag nauubo o nababahing, at magsuot ng mask kung may ubo o may respiratory symptoms.

Isang 66-anyos na lalaki mula sa lungsod ng Wuhan, China ang unang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa Singapore. Dalawa pa rin ang positibo, ayon sa mga awtoridad ng bansa.

Dahil dito, nagsasagawa na ng contact tracing sa mga maaaring nakasalamuha ng pasyente at nagpapatupad na rin ng precautionary measures ang mga public hospital sa Singapore. — Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.