Martsa isinagawa sa Zamboanga City bilang pag-alala sa SAF44

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 10:44 AM

ZAMBOANGA CITY - Bilang pag-alala sa kabayanihan ng tinaguriang SAF44, nagsagawa ng forced march ang 5th Special Action Battalion at Police Regional Office (PRO)-Zamboanga Peninsula dito sa siyudad, Sabado ng madaling-araw.

Nagsimula ang martsa ng mga pulis sa Camp Abendan sa Barangay Mercedes papunta sa mga karatig barangay ng Zambowood at pabalik sa kanilang kampo.

Ayon sa PRO-9, ang aktibidad na ito ay pagbibigay halaga sa ika-5 death anniversary ng 44 miyembro ng Philippine National Police Special Action Force na nagbuwis ng buhay matapos ang madugong police operation sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Nagdaos din ng thanksgiving mass ang PRO-9 at wreath-laying ceremony Sabado ng umaga para sa mga yumaong bayani ng bayan.

Kamakailan, ibinasura ng Sandiganbayan ang kaso laban kay dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima at dating Special Action Force (SAF) chief Getulio Napeñas kaugnay sa naging papel nila sa Mamasapano anti-terrorist operation.

Napatay ng mga SAF commando sa Oplan Exodus ang banyagang terorista na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, at Basit Usman, isang Pilipinong umano'y kasama nito.

Nasawi naman ang 44 miyembro ng SAF sa pag-atake ng umano'y mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos ang operasyon.

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.