2 patay, 2 sugatan sa salpukan ng motor, traysikel sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 06:48 PM | Updated as of Jan 25 2020 06:58 PM

Matapos tumilapon mula sa sinasakyang traysikel, nasagasaan pa ng bus ang isang babaeng namatay sa aksidente sa Ilocos Norte. Photo courtesy: PNP-Bangui.

BANGUI, Ilocos Norte - Dalawang maghipag ang patay nang salpukin ng motorsiklong minamaneho ng hinihinalang lasing ang sinasakyan nilang tricycle sa Barangay Lanao sa bayan na ito. 

Sugatan ang nagmamaneho ng traysikel at motorsiklo. 

Nakasakay sa traysikel sina Gina at Jenifer Ventura, pawang mga seafood vendor, nang salpukin ng motorsiklo ang kanilang sinasakyan. 

Sa tindi ng banggaan, tumilapon ang dalawang babae. Nasagasaan pa ng bus si Gina, na agad na namatay sa insidente. 

Natakbo pa sa ospital si Jenifer pero namatay din ito kalaunan. 

Ayon kay Diomedes Ancheta, deputy chief ng Bangui Police, nakainom ng alak ang drayber ng motorsiklo, ayon sa impormasyong nakuha nila mula sa ospital. 

Nag-o-overtake pa umano ang motorsiklo dahilan para mangyari ang aksidente. 

Sa ngayon ay wala pang naisampang reklamo laban sa driver ng motorsiklo.

-- Ulat ni Ria Galiste, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.