12,000 mangingisda, nanganganib mawalan ng kabuhayan dahil sa pag-aalboroto ng bulkang Taal

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 01:42 AM

BATANGAS - Aabot sa 12,000 mangingisda ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa patuloy na pag-aaboroto ng bulkang Taal, ayon sa isang grupo ng tilapia growers. 

Dagdag pa ng grupo, kapag hindi sila pinayagang makapasok ng kanilang piskara ay hihingi sila ng tulong mula sa Department of Agriculture (DA) na mabigyan sila ng kaukulang window hour para mailigtas ang kanilang mga isda. 

Hiling ng mga miyembro ng Taal Lake Aquaculture Alliance mula sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel, Talisay, San Nicolas at Cuenca sa DA na tulungan silang humingi ng 4 oras kada araw para pakainin lang ang mga alagang isda, ayusin ang mga sirang fish cage, at anihin ang mga pwede nang ibenta. 

Simula kasi nang masailalim sa lockdown ang mga bayang nasa danger zone dahil sa nagbabadyang pagputok ng bulkang Taal, hindi na rin makapasok sa kanilang mga palaisdaan ang mga may-ari ng mga fish farm.

"Payagan kami, bigyan kami ng ID sa gate, sa checkpoint, pagdating ng hapon isuko namin para makabalik ulit kami kinabukasan," ani Paps Nera, direktor ng Taal Lake Aquaculture Alliance sa isang panayam sa Bandila.

Dagdag ng grupo, tuluyang mapipinsala at mawawalan sila ng kabuhayan sakaling hindi mapagbigyan ang kanilang hiling. 

Bukod pa rito, nasa 200,000 hanggang 260,000 kilo ng tilapia kada araw ang mababawas sa suplay sa mga karatig probinsya, kasama ang Metro Manila. 

Halimbawa na lamang sa Kamuning Market, pansamantala munang kumukuha ang mga tindera ng tindang tilapia sa Pampanga. Nagtaas na rin hanggang P20 kada kilo ang presyo ng naturang isda. 

Ayon sa mga manininda, tilapiang Batangas pa rin ang hinahanap ng mga mamimili. "Mas malinamnam ‘yong lasa [ng isda sa Batangas]. Maitim kasi medyo ‘yong Batangas, ‘yan din ang isang kaibahan sa Pampanga. Tsaka mataba, maumbok 'yong tagiliran niya. Manipis kasi ang [sa] Pampanga eh," ani Shirlyn Degamo, tindera ng isda. 

Nangako naman si DA Sec. William Dar na susubukan nilang makipag-usap sa lockdown authorities. 

Ayon kay Dar, kailangan din kasing i-monitor maya’t maya ang kalidad ng tubig sa palibot ng Taal.

"Nasa authorities na ‘yan the more window it is, 2 hours versus 1 hour, better sana but the danger has to be considered," ani Dar. 

Dagdag pa ng kalihim, ligtas pa naman kainin ang mga isda mula sa Taal Lake basta’t sariwa, buhay pa at nilinisan nang maigi, kaya’t sayang kung hindi mai-ani at maibenta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.