Vloggers na mangangahas pumunta sa Bulkang Taal binalaan

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 06:07 PM | Updated as of Jan 24 2020 09:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kasabay ng paglabas ng mga vlog ng mga nangangahas lumapit sa mismong bunganga ng nag-aalborotong Bulkang Taal, nagbabala ang Phivolcs na lumayo sa isla na kinatatayuan ng bulkan. 

Ayon kay Phivolcs director Renato Solidum, delikado ang lumapit sa danger zone, lalo na't hindi pa ligtas na bumalik ang mga residente dahil sa banta ng mapanganib na pagsabog. 

"Delikadong-delikado sa mga kababayan natin na nangangahas pumunta sa isla na kahit hindi po malakas na malakas ang pagsabog," ani Solidum sa isang press conference. 

"Kahit lang steam-generated explosion or phreatic eruption ay delikado na po sa buhay nila," paliwanag pa niya. 

Nag-viral kamakailan ang video ng isang lalaking nakatsinelas lang na naglalakad sa volcano island. 

Dito, nagsagawa siya ng sariling pagsusuri sa mismong kasasabog lamang na bunganga ng bulkan. 

Ngayong Biyernes, muling nagbuga ng mas malakas na puting usok na may kaunting abo ang bulkan, na hudyat na nagkakaroon ng aktibidad sa ilalim nito.

Indikasyon umano ito na may namuo nang magma sa ilalim ng bulkan kaya hindi malayong sumabog ulit ito. 

Kaugnay ng namumurong pagsabog, hinimok din ni Solidum ang mga lider ng lokal na pamahalaan na suwayin ang mga residenteng lalapit sa paanan ng bulkan. 

Ayon pa sa Phivolcs, mananatili pa rin sa alert level 4 ang bulkan - hudyat na nagbabadya pa rin ang pagsabog. 


-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.