Posibleng epekto ng pagkalas ng Pinas sa VFA binusisi ng mga eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 08:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Noong Huwebes ay nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na kakalas ang gobyerno sa Visiting Forces Agreement (VFA), isang kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ang dahilan: kinansela kasi ng Amerika ang US visa ni Sen. Ronald Dela Rosa, na pinagbibintangang dawit sa umano'y extrajudicial killings (EJK) ng mga drug suspect. 

Binigyan ni Duterte ng 1 buwan ang Amerika para "itama" ang umano'y pagkansela sa visa ni Dela Rosa kundi ay ibabasura niya ang VFA. 

Pero kinaumagahan pa lang nitong Biyernes, kumilos na ang iba't ibang ahensiya ng pamahalaan para isakatuparan ang pagbasura sa VFA.

ANO ANG VFA?

Ang VFA ang kasunduang nagpapahintulot at gumagabay sa kilos ng mga tropang Amerikano kapag narito sila sa loob ng bansa para sa training at iba pang aktibidad.

Nakapaloob sa kasunduang ito ang iba't ibang mga patakaran, kabilang na kapag may sundalong Amerikano na nakagawa ng krimen sa Pilipinas. 

Nagamit na ito sa kaso nina Lance Corporal Daniel Smith na napatunayang nanggahasa noong 2005, at Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nahatulan sa pagpatay sa transgender Pinay na si Jennifer Laude. 
 
 SINO MAKIKINABANG?

Ayon kay Renato de Castro, propesor ng international studies sa De La Salle University, malabong tumiklop ang Amerika sa banta ni Duterte.

Election season daw kasi doon at hindi ipapakita ni US President Donald Trump na mahina ang kanilang bansa. 

"Ang mangyayari niyan kikilos ang Amerika. Maaaring sabihin suspendihin ko ang security relationship natin," sabi ni De Castro. 

Ayon naman sa military analyst na si Jose Custodio, walang ibang makikinabang sa magiging alitan ng US at Pilipinas kundi ang China, lalo na pagdating sa isyu ng West Philippine Sea, ang US ang mahigpit nitong karibal sa rehiyon.

"Duterte ignores kapag China na ang yumuyurak sa kaniya so bakit ngayon ganiyan-ganiyan siya?" sabi ni Custodio. 
 
Tumangging magbigay ng pahayag sa isyu ang Armed Forces of the Philippines at ang US Embassy dito sa Pilipinas. 
 
Suportado naman ng Makabayan bloc ng Kamara ang hakbang na pagbasura sa VFA pero hindi ang basehan ng desisyon nito.


—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.