Ilang evacuation centers sa Batangas hinatiran ng tulong medikal

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 04:56 PM | Updated as of Jan 24 2020 08:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa paglipas ng mga araw ay lalong lumalala ang kondisyon ng mga inilikas na Batangas residents sa gitna ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Nananatili sa Alert Level 4 ang bulkan, na nangangahulugang maaari itong magkaroon ng mapaminsalang pagsabog ano mang oras o araw.

Marami na rin ang ulat ng pagkakasakit sa evacuation centers, bunsod ng kakulangan sa pagkain at espasyo.

Dahil dito, nag-organisa ang Lingkod Kapamilya ng ABS-CBN ng mga medical mission para alalayan ang mga nagkakasakit na evacuee.

Sa San Pascual, Batangas, agad sinuri ng mga doktor at binigyan ng mga gamot at vitamins ang evacuees na matiyagang pumila.

May mga nabigyan din ng wheelchairs, partikular na ang mga may-edad.

"Malaking tulong sa amin at kami'y walang pambili. Maraming salamat po," ani Norma Amo.

Sa Sto, Tomas, Batangas naman, isang amputee ang nabigyan ng kaniyang maintenance medicine dahil naiwanan daw niya ito sa kaniyang tahanan noong lumikas.

"Napakalaking bagay po kagaya sa aming mga mahirap lamang," ani Irineo Cordero.

Sa San Pascual, Batangas, maliban sa medical mission ay nagsagawa rin ang Bantay Bata 163 ng psychological first aid sa mga bata para mabawasan ang stress na nararanasan nila.

"Tinutulungan natin iyong tao, lalo na iyong bata na mag-express ng kanilang damdamin... At the same time ma-normalize natin to some extent iyong naranasan nila," sabi ni Jacel Paguio, deputy program director ng Bantay Bata 163.

Ipinaliwanag din sa mga bata ang kanilang mga karapatan para makaiwas sa mga pang-aabuso.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.