Batang nalunod sa creek sa QC, natagpuan na

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 06:04 PM

Matapos ang halos isang araw na paghahagilap, natagpuan na nitong Biyernes ang batang lalaki na nalunod sa creek sa Barangay Obrero sa Quezon City.

Ayon sa barangay administrator na si Archie Pascual, lumutang na lang ang katawan ng 11-anyos na bata, na nahulog sa creek matapos umano ipilit kunin ang laruang bola na nahulog din doon. 

Saad ni Police Maj. Ferdinand Duren, deputy chief ng Kamuning Police Station, may kalaliman ang creek kung saan nahulog ang bata sa kanto ng Tomas Morato at Parkway. 

Alas 3 ng hapon ng Huwebes sinimulan ang rescue operation at ipinatigil bandang alas 10 ng gabi, bago ulit simulan alas 8 ng umaga nitong Biyernes.

Dahil sa insidente, sinabi ni Pascual na maglalagay ng babala sa harang sa creek at kakabitan na rin ng CCTV ang naturang lugar. - Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.