5 nasagip sa 'sex den' sa San Juan City

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 12:57 AM | Updated as of Jan 24 2020 08:43 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasagip ang 3 babae, isang lalaki, at isang miyembro ng LGBT community sa isang spa na ginagawa umanong sex den Huwebes ng gabi sa N. Domingo St., San Juan.

Ayon kay Police Col. Jaime Santos ng San Juan Police, 2 linggong isinailalim sa surveillance ang lugar matapos makatanggap ng impormasyong may alok itong "extra service".

Sa operasyon, naaktuhan ang isang babaeng nakikipagtalik umano sa isang customer. Aabot umano sa P2,000 ang bayad sa serbisyong ito. 

Agad namang isinilbi ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang closure order sa establisyimento.

Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, ito na ang ikalawang spa na may alok na "extra service" na kanilang pinasara. Magsilbi aniya itong babala sa mga katulad na establisyimentong itigil na ang ilegal na gawain. 

Sasailalim sa counselling ang mga nasagip na empleyado ng spa.

Pinaghahanap naman ang mga may-ari ng spa na sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.