2 patay sa pamamaril sa Iligan

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 05:59 PM

Bahay ng biktimang si Police Cpl. Samuel Banuelos sa Iligan City. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

ILIGAN - Patay ang isang pulis at isang sibilyan ng pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa Purok 6B sa Barangay Santiago Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Police Cpl. Samuel Banuelos at Junjun Sanchez.

Ayon sa asawa ng pulis na si "Edna," bumibili siya sa tindahan nang marinig ang mga putok ng baril, habang nasa loob naman ng bahay ang kaniyang mga anak na nanonood ng TV.

May bigla umanong pumasok na mga armadong lalaki at hinanap si Banuelos. Sa banyo binaril ang pulis na naliligo sa mga oras na iyon.

Nabaril din si Sanchez, kaklase ni Edna na nakikitira sa kanilang bahay.

Ayon kay Edna, posibleng paghihiganti ang motibo sa pamamaril dahil sa dalawang kaso na kaniyang isinampa kamakailan. Hindi niya binanggit kung sino ang mga ihinabla ng biktima. 

"Dahil sa mga kaso ito, kasi parehong tao ang nasangkot dito. Ang sa akin lang, pamilyado din sila at may legal man na proseso. Kung sila ang nasa kalagayan namin, maghahanap din sila ng hustisya. Ang sakit lang isipin na lalaking walang ama ang anim kong anak. Wala akong trabaho, hindi ko alam paano sila itataguyod," aniya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, siniguro ng mga salarin na mapapatay ang biktima dahil sa dami ng tama ng baril sa katawan nito.

"Nagtamo ang pulis ng limang gunshot wounds sa kaniyang ulo, likod at dibdib habang may apat na tama ng baril si Junjun Sanchez sa kaniyang ulo, noo, kilay at likod," ani Police Lt. Desiree Relos, deputy commander ng Iligan City Police Station 1.

Narekober sa pinangyarihan ang limang basyo ng bala ng .45 kalibreng baril at mga bala.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para makilala at mapanagot ang mga salarin, na agad nakatakas matapos ang pamamaril.

Si Banuelos ay nagsilbing administration officer ng Sagiaran Municipal Police Station ng Lanao del Sur.