Ilegal na pagawaan ng sigarilyo sa Pampanga, sinalakay

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2019 03:12 AM

Gracie Rutao, ABS-CBN News

PAMPANGA - Sinalakay ng mga awtoridad nitong Martes ang umano'y isang ilegal na pagawaan ng sigarilyo sa San Simon, Pampanga.

Nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC) ang 8 makina na ginagamit umano sa paggawa ng sigarilyo.

"'Yung machines are all legit pero 'yun pino-produce niya 'yung peke... pinapatunayan 'yan ng tobacco firms together with the concerned government agency," ani Chief Insp. Louie Gonzaga, hepe ng San Simon police.

Tinatayang nasa P300 milyon ang halaga ng mga makina, bukod pa rito ang buwis na hindi binabayaran sa gobyerno.

Hindi muna ibinigay ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dayuhan na umano'y umuupa sa warehouse habang patuloy ang kanilang imbestigasyon.

"We are still building up on the case. Magkakaroon pa ng follow-up... tapos we are still monitoring other warehouses t'saka personalities involved," dagdag ni Gonzaga. - ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.