Wag magkalat ng fake news: Senators may pakiusap ukol sa 'coronavirus' scare

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2020 03:21 PM

MAYNILA — Sa gitna ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) na isang 5-anyos lalaking Chinese ang naka-quarantine ngayon sa Cebu City dahil sa "non-specific pancoronavirus," nagkaroon ng espekulasyon na ito ay ang misteryosong sakit mula China na ikinamatay na ng 9 tao.

Pero kahit wala pang kasiguraduhan na ito nga ang sinasabing virus mula sa China, maraming Pinoy na ang nababahala. 

Dahil dito, sinabi ng mga senador na tigilan dapat ang pagpapakalat ng fake news para hindi na lumikha pa ng panic.

"Health authorities are still verifying if this is the same as the 2019 novel coronavirus (2019-nCoV)... In the meantime, I’d like to emphasize that sowing panic will be detrimental to public health,” ani Sen. Risa Hontiveros. 

"Kaya huwag tayong magpakalat ng fake news... I-check muna natin kung verified ang source bago natin ito i-share online," dagdag niya. 

Para naman kay Sen. Nancy Binay, dapat rebyuhin ng DOH ang kanilang mga pamantayan para masigurong maiwasan ang pagpasok sa bansa ng kinatatakutang virus. 

"It might be best for the DOH to review the protocols in place... Preemptive measures will always be the better option. Kailangan natin paghandaan na... We must act immediately," ani Binay. 

Hinahanapan naman ni Sen. Richard Gordon ang DOH ng isang preparedness plan kontra sa virus.

Giit ng mambabatas, hindi na dapat hintayin pa na makaabot sa bansa ang sakit. Kung may preparedness plan, mas makapagliligtas ito ng buhay at mapipigilan ang pagkalat ng sakit, aniya. 

Samantala, inabisuhan ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Education na maging alerto at maglatag ng mga paraan para masigurong hindi kumalat ang sinasabing virus sa mga kabataan. 

"Sa ating pangambang makapasok itong bagong coronavirus sa ating bansa, mabuti nang maging sigurado tayo dahil ang isang kumpirmadong kaso ay maaaring maikalat sa iba," ani Gatchalian.

Nauna nang sinabi ng DOH na todo-bantay ang Bureau of Quarantine sa lahat ng paliparan at iba pang ports para i-monitor ang sino mang posibleng may dala ng virus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.