Mga isda mula Taal Lake ligtas kainin: BFAR

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 05:35 PM

Isang mangingisda mula sa bayan ng Mataas na kahoy, Batangas na humuhuli ng mga tilapia at bangus sa bahagi ng Taal Lake, Enero 15, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

Ligtas kainin ang mga isdang nahuli sa Taal Lake basta sariwa at buhay nang mahuli, sabi ngayong Lunes ng opisyal mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kasunod ng pangamba sa kalidad ng mga isda sa lawa bunsod ng pag-alboroto ng bulkang Taal.

Ayon kay BFAR National Director Eduardo Gongona, matapos sumailalim sa lab test ang mga sample mula Taal Lake, lumabas na "favorable" ang tubig sa Taal at ligtas kainin ang mga isdang nahuhuli roon.

Pero dapat daw hugasan nang maigi ang mga isda, tanggalan ng mga laman loob, at lutuin nang maayos.

"Kailangan ma-confine lang sa buhay na nahuhuli doon. At kung kakainin, kailangan hugasang maigi," aniya.

Pero hindi nangangahulugang puwede nang mangisda ulit sa lawa lalo at sakop ito ng danger zone.

Nauna nang nagbabala ang Department of Health laban sa pagkain ng mga isda mula sa Taal Lake dahil sa pangambang naapektuhan ng sulfur na ibinuga ng bulkan ang marine life doon.

Isa ang pangingisda sa mga pangunahing hanapbuhay ng mga residente mula sa mga bayang nakapalibot sa bulkang Taal, na nag-umpisang mag-alboroto noong nakaraang linggo at naging dahilan ng paglikas ng libo-libong tao.

Umabot na sa higit P3 bilyon ang kabuuang pinsala ng bulkang Taal sa agrikultura, ayon sa datos ng Department of Agriculture.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.