Higit P500-k halaga ng ‘shabu’ nakuha sa 3 suspek sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 08:25 PM

Tinatayang nasa P510,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa tatlong suspek na inaresto sa buy-bust operation sa Antipolo Biyernes ng gabi.

Target ng operasyon, na ikinasa ng mga tauhan ng Marikina City Police Station bandang alas-10 ng gabi sa isang condominium building, si alyas Rolando, 41 anyos, ayon kay Col. Restituto Arcanghel, hepe ng Marikina police.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang bumili umano sa target ng hinihinalang shabu kapalit ng P6,000.

Dinampot ng mga pulis ang tatlong suspek nang magkapalitan na ng pera at droga, ayon kay Arcanghel.

Kasamang inaresto sina alyas Francis, 22, at Nazarene, 34.

Nakuha sa mga suspek ang hinihinalang shabu na may timbang na 75 gramo, at isang digital weighing scale.

Nakakulong na sa detention facility ng Marikina police ang 3 suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.