Hustisya hiling ng pamilya ng OFW na namatay sa Saudi

Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 04:37 PM | Updated as of Jan 17 2020 05:13 PM

Hindi naniniwala ang pamilya ng OFW na cardiac respiratory arrest ang ikinamatay nito sa Riyadh, Saudi Arabia isang linggo matapos makarating doon. Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

ROXAS, Isabela – Humihingi ng hustisya ang pamilya ng isang 35-anyos na overseas Filipino worker na namatay sa Riyadh, Saudi Arabia.

Duda ang pamilya ni Remedios Antonio de Guzman na cardiorespiratory arrest ang ikinamatay ng kaanak base sa death certificate mula Riyadh.

May pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang OFW, naka-bandage ang ulo, sabog umano ang mata at naka-diaper lang nang iuwi ang mga labi nito.

“Sinasabing sumasakit ang tiyan at pumutok ang kidney, may tusok sa tagiliran, may basag ang bungo, hindi ako makapaniwala na ganun lang ang ikinamatay ng asawa ko,” sabi ng mister ni Remedios na si Elito De Guzman.

Naghihinagpis din ang tatay ni Remedios na si Jimmy Antonio.

“Masakit po sa akin na ganun ang nangyari. Ang ikinasakit lang ng loob ko, hinatid na lang dito na parang gulay sa harap ng funeral, hanapin namin mga gamit niya wala po,” kuwento ng ama.

Ipinasailalim na sa autopsy ng pamilya ang mga labi ni Remedios sa tulong ng Commission on Human Rights (CHR) Biyernes ng umaga para malaman ang tunay na ikinamatay ng OFW.

Nobyembre 18, 2019 nang lumipad si Remedios patungong Riyadh para sa kinabukasan ng walong anak.

Pero wala pang isang linggo ay binawian na siya ng buhay.

Enero 1 ng madaling araw dumating ang mga labi ni Remedios at nitong Huwebes lamang siya inilibing.

Pabor ngayon ang pamilya na ipagbawal na rin ang deployment ng manggagawa sa Riyadh gaya ng sa Kuwait matapos ang pagpatay sa OFW na si Jeanelyn Villavende, na umano'y nakaranas ng torture at sexual abuse. 

“Pabor na pabor dahil sa napapabalitang pagkamatay ng kababayan natin nandyan sa Middle East, kaya lumapit kami sa CHR para makahingi ng tulong,” ayon sa kapatid ni Remedios na si Marimar Lacaste.

Hindi muna nagpaunlak ng panayam ang CHR Region 2 pero idudulog nila ang panawagan ng pamilya sa gobyerno.

Makikipag-ugnayan naman ang tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA para sa anumang tulong na maibibigay sa naulilang pamilya ng OFW.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.