Halos 10,000 magsasaka, mangingisda naperwisyo ng Taal eruption: DA

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 04:37 PM

MAYNILA — Pumalo na sa higit P3 bilyon ang pinsala sa agrikultura ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal, batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes.

Kung susumahin ang perwisyo ng Taal eruption, P3,061,424,549 na ang halaga nito, kung saan 9,912 ang apektadong magsasaka at mangingisda.

Umabot din sa 38,381 metriko toneladang high-value crops ang nasira sa Batangas, Cavite, at Laguna tulad ng cacao, kape, niyog, pinya at saging.

Gayunman, hindi umano malaki ang epekto nito sa suplay dahil marami naman daw ibang pagkukunan.

"Mas malaki ang area ng supply ng Quezon at iba pang probinsya to supply Metro Manila with vegetables... Mababawasan nang konti sa merkado ang kapeng Batangas pero may iba namang coffee shops na nag-o-offer ng brewed coffee galing sa Bukidnon, Cordillera at, Mindanao," ani DA spokesman Noel Reyes.

Tuloy-tuloy naman ang pag-aabot ng pamahalaan ng ayuda sa mga apektado.

Pinayuhan din ng DA ang mga magsasaka na kapag puwede na silang bumalik sa kanilang mga sakahan, maaari nilang ihalo ang volcanic ash sa pananim dahil mayaman ito sa minerals.

"Kung manipis na ano pa lang, i-mix sa previous soil, 'yan ay makakaganda sa texture... Rich po ang volcanic soil," ani Reyes.

—Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.