Bangkay ng negosyante, natagpuan sa septic tank ng sariling hotel

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2020 11:38 AM

Itinago ng suspek ang bangkay ng biktima sa septic tank na pagaari ng negosyante. Larawan mula sa Daet Municipal Police Station

DAET, Camarines Norte – Natagpuan sa septic tank ng pag-aaring hotel ang bangkay ng 70-anyos na lalaki na may walong araw na umanong nawawala.

Ayon sa pulisya, nalaman ng pamilya ng negosyanteng si Emilio Aytona Jr. ang totoong nangyari sa matanda sa pamamagitan ng pag-review sa CCTV ng hotel nitong Huwebes.

Nangyari umano ang pagpatay sa matanda noong Enero 8, 2020. Ang salarin ay nakilalang si Nestor Quiñones, 54, at halos 7 taon nang trabahador ng pamilya Aytona.

“Nakita nila sa CCTV na 'yung suspek pati 'yung mga pangyayari kung papaano ginawa 'yung krimen,” ayon kay Lt Col. Joel Quintero, hepe ng pulisya sa Daet.

Agad na inaresto ang suspek na patuloy na nagtrabaho sa hotel sa kabila ng ginawang krimeng.

“May palo sa mukha... Ang ginamit sa pagpatay is 'yung bakal, tubo. 'Yun din ang sinabi ng suspek na ginamit niya. Ang problema nga nito hindi natin makita 'yung tubo kasi nalinis na 'yung crime scene,” dagdag ni Quintero.

Sa kuwento ng suspek, hindi umano sila nagkasundo ng biktima sa ipinapagawa nitong kisame noong araw na iyon.

“Sabi ko magtipid tayo. Sabi niya hindi, sinasabihan ka, tinulak niya ako tapos kumapa ako sa baba nakuha ko 'yung tubo, pinalo ko siyang 3 beses,” ayon sa suspek.

Mula sa bodega ng hotel hinila pa ng suspek ang biktima gamit ang nylon wire papunta sa kulungan ng manok kung saan naroon din ang septic tank.

Dito itinago ng suspek ang biktima.

“Natakot na ako,” sabi niya.

Pero imbes na tumakas, nagpatuloy sa trabaho sa hotel ang suspek.

Ayon sa pulisya, pinagplanuhan nito ang krimen base na rin sa mga ebidensyang nakita.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima habang kinasuhan na ng murder ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.