Paniningil ng bayad sa mga condo owner na apektado ng lindol sa Davao City, ipinasususpinde

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 01:53 AM | Updated as of Jan 10 2020 10:54 PM

Rescue workers set up a first aid station as they monitor damage inside Ecoland 4000 Building in Davao City after a 6.5 magnitude earthquake hit the area Thursday morning. Local authorities are currently monitoring impacts of the strong quake that hit Davao and Cotabato. Manman Dejeto, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Ipinasususpinde ng pamahalaan ang paniningil ng bayad sa mga may-ari ng condominium unit nitong siyudad na apektado ng malakas na lindol noong Oktubre.

Naglabas ng order of suspension of collecting amortization payments ang Department of Humanitarian Settlement and Urban Development (DHSUD) nitong Miyerkoles para sa DMCI Homes na may-ari ng 4 na condominium na nagkaroon ng pinsala matapos ang kalamidad.

"Meron tayong order suspending all payments sa kanilang monthly amortization. So hindi dapat na dahil hindi sila nakabayad, i-penalize sila, pag-interesan sila. So immediately today suspended ang payments," ani Atty. Miguel Palma Gil, officer-in-charge ng DHSUD-Davao Region.

Kabilang sa mga apektadong condominium ay ang Ecoland 4000 kung saan gumuho ang unang palapag nito. Kasama rin ang Magallanes Residences, Palmetto Place at Verdon Parc.

Magandang balita naman ito para kay James Patoc na tenant ng Verdon Parc dahil patuloy umano ang paniningil sa kanila. Nagbabayad siya ng P33,000 para sa condo unit at P12,000 sa parking space.

Nagrerenta pa siya sa labas matapos silang paalisin noong Nobyembre matapos makitaan ng mga bitak ang condominium bunsod ng lindol.

"Dumoble tuloy 'yong gastos namin... 'yon sana request namin sa developer na they will give us subsidy doon sa expenses namin for the monthly rentals until now DMCI is not giving us support sa monthly expenses," aniya.

Magsasagawa naman ng diyalogo ang DHSUD sa mga unit owner ng 4 na condominium sa susunod na linggo upang talakayin ang napaloob sa kautusan.

Narito ang iskedyul:

1. Ecoland 4000
Petsa: Jan. 13, 2020
Oras: 9 a.m.
Lugar: HLURB SMR 14th floor

2. Magallanes Residences 1, 2, 3
Petsa: Jan. 13, 2020
Oras: 1:30 p.m.
Lugar: HLURB SMR 14th floor

3. Palmetto Place 1, 2, 3
Petsa: Jan. 14, 2020
Oras: 9 a.m.
Lugar: HLURB SMR 14th floor

4. Verdon Parc 1, 2, 3, 4
Petsa: Jan. 14, 2020
Oras: 1:30 p.m.
Lugar: HLURB SMR 14th floor

Pinag-aaralan din ng mga unit owner sa tulong ng DHSUD ang pagsasampa ng reklamo laban sa DMCI Homes.—Ulat ni Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.