'Karneng positibo sa ASF sa 2 pamilihan sa QC nabigyan ng inspection papers'

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 06:29 PM | Updated as of Jan 10 2020 06:48 PM

MAYNILA - Natuklasan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na sinertipikahan ng National Meat Inspection Service - isang attached agency ng Department of Agriculture - ang mga karneng nagpositibo sa African swine fever mula sa dalawang supermarket sa siyudad. 

Kinumpirma ito ni QC Mayor Joy Belmonte, na nagsabing hindi galing sa mga piggery sa siyudad ang mga nasabing karneng baboy. 

"Upon further investigation by our team, we found out that the documentation of the meats were complete. Mayroong NMIS certificate. Mayroon ding certificate ang supplier na ASF-free," ani Belmonte ngayong Biyernes. 

Pero giit ni Belmonte, hindi maaaring patawan ng parusa ang mga supermarket. 

"There was no malice to deceive the public to deliberately risk the health of the public," paliwanag niya. 

Ayon sa lokal na pamahalaan sinusuri na ang 20 specimen ng mga karneng baboy mula sa iba't ibang supermarket sa siyudad para tanggalin ang mga baboy na may ASF. 

Sagot ng mga retailer ang pagpapalibing at pagtapon sa mga karneng may ASF sa mga supermarket sakaling positibo sa virus ang mga ito, ayon kay Belmonte. 

Tutulong ang Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. para matiyak na ligtas sa ASF ang kanilang panindang karneng baboy. 

Pero aminado silang nakasalalay lang sa mga awtoridad ang pagsusuri ng mga baboy na dinadala sa kanila ng mga supplier. 

"It's very difficult for us to tell. All we can do is rely in the authority, the NMIS," ani Steven Cua, pangulo ng asosasyon. 

Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng QC na inspeksiyunin ang mga processed meat galing sa ibang bansa. Bawal na rin magpatakbo ng ano mang uri ng piggery sa lungsod simula Pebrero.

Patuloy na kinukuha ng ABS-CBN News ang panig ng NMIS at DA pero wala pa silang nilalabas na pahayag. 

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.