3 rifle grenade, nakitang palutang-lutang sa creek sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2020 06:35 PM

Nakita ng isang sundalo ang tatlong rifle grenade na palutang-lutang sa creek sa bayan ng Piddig sa Ilocos Norte. Ayon sa pulisya, walang safety pin ang dalawa sa mga ito nang marekober.


PIDDIG, Ilocos Norte - Tatlong rifle grenade na nakabalot sa dahon ng saging ang nakitang palutang-lutang sa creek sa Barangay Libnaoan sa bayan na ito Martes ng umaga.

Walang safety pin ang dalawa sa mga ito at posibleng sumabog kung nagalaw, ayon sa mga awtoridad.

“Kapag hindi na-treat nang maayos [at] hindi narespondehan ito, delikado lalong-lalo na sa mga taong walang alam o walang knowledge, especially sa mga bata,” ani Police Capt. Kristoffer Ramos, hepe ng Piddig Police.

Mabuti na lang umano na dating sundalo ang nakakita sa mga ito at ipinaalam agad sa mga awtoridad.

Iniimbestigahan na ng pulisya kung saan nanggaling o kanino ang mga ito.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.