Ursula survivors nairaos ang Bagong Taon sa kabila ng trahedya

Sharon Evite, ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 05:39 PM | Updated as of Jan 01 2020 07:49 PM

Watch more in iWantTFC

TACLOBAN CITY — Binagyo man at nasiraan ng mga bahay bago pa ang Media Noche, tuloy pa rin ang masigabong pagsalubong ng Bagong Taon para sa mga nasalanta ng bagyong Ursula dito.

Isa na dito ang pamilya ni Norma Rosaroso. Kuwento ni Rosaroso, matutulog na lang sana sila sa pagpatak ng Bagong Taon dahil naubos ang kanilang pera pambili ng materyales sa pagpapagawa ng nasalantang bahay. 

Buti na lang aniya at binigyan sila ng anak ng cake na siyang pinagsaluhan nila ng asawa sa Media Noche.

Si Pitch Bahin naman, nakapagpatayo na ng masisilungang kubo sa tabi pa rin ng dagat pero tinulugan na siya ng kaniyang asawa sa Bagong Taon.

"Natulog na, ewan ko diyan sa kaniya, ayaw lang sigurong salubungin ng asawa na ganito ang sitwasyon," ani Bahin.

Pero si Marites Violanta, dahil wala pang pampaayos ng bahay, sa plaza na lang muna ng barangay nakikitira.

"Namigay ang kapitan namin ng spaghetti, tapos binigyan kami ng kapatid niya ng pambili ng ulam kaya nakapaghanda kami," paliwanag niya.

Hindi man naging maganda ang pagtatapos ng 2019 sa kanila, umaasa silang mababago ang kanilang sitwasyon sa 2020 at makababangon sa naranasang unos.

Pasko nang bayuhin ni Ursula ang ilang bahagi ng Visayas, kung saan 47 na ang naitalang patay at higit P1 bilyon ang pinsala sa agrikultura. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.