Sugatan sa paputok sa pagsalubong sa 2020 mas kaunti: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 02:43 PM | Updated as of Jan 01 2020 07:13 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Kumpara sa nakaraang taon, mas kaunti ang bilang ng mga taong nasugatan dahil sa mga paputok sa pagsalubong sa 2020, sabi ngayong Miyerkoles ni Health Secretary Francisco Duque III.

Nasa 164 ang naitala ng Department of Health (DOH) na firecracker-related injuries mula Disymebre 21 hanggang umaga ng Enero 1, mas mababa nang 35 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong Bagong Taon ng 2019.

Tingin ni Duque, isa sa mga dahilan sa pagbaba ay ang Executive Order No. 28 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 na naglimita sa paggamit ng mga paputok sa bansa.

Wala pa umanong naiuulat na nasawi dahil sa mga paputok.

Puwede pang tumaas ang bilang ng mga nasugatan o nasaktan dahil hanggang Enero 6 magrerekord ang ahensiya, ayon kay Duque.

Muling iginiit ni Duque na makapagtatala lamang ng zero casualty kapag tuluyang ipinagbawal ang mga paputok.

"We hope that the administration of President Duterte will be able to create a legacy of an absolute ban of fireworks so that we will have zero injury," aniya.

Una nang sinabi ng DOH na handa itong gumawa ng draft bill na tuluyan nang nagbabawal sa lahat ng uri ng paputok o pailaw, pero kailangan muna itong pag-aralan dahil maaapektuhan nito ang kabuhayan ng maraming Pilipino na nagtitinda ng mga paputok.

Sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa Maynila, isang lalaki ang naputulan ng kamay matapos masabugan ng ipinagbabawal na paputok na Goodbye Philippines.

Sa Dagupan City, tinanggal ang hinlalaki ng isang 10 taong gulang matapos masabugan ng inipong pulbura.

Tatlong kaso naman ng ligaw na bala ang naitala sa bansa, kabilang ang isa sa Laoag City na lumusot sa bubong ng bahay at bumasag sa salamin ng pamilya Agbayani.

Nakapagtala naman ang Philippine National Police ng 21 kaso ng indiscriminate firing, kabilang ang isang insidente na dahil sa pulis, na mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.

-- May ulat nina Raphael Bosano at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.