1 patay, 600 pamilya nawalan ng bahay sa iba't ibang sunog sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 04:33 PM | Updated as of Jan 01 2020 07:31 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Isang tao ang nasawi habang higit 600 pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa 2 magkahiwalay na sunog sa Kamaynilaan. 

Sinalubong ng trahedya ang masaya sanang selebrasyon ng Bagong Taon sa Sta. Ana, Maynila matapos lamunin ng apoy ang nasa 150 bahay sa lugar Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa Manila Fire District Headquarters, 621 pamilya ang naapektuhan ng sunog at 2 tao ang nasugatan. 

Tinatayang aabot naman sa P2.5 milyon ang halaga ng pinsala ng apoy. 

Sabi ng Manila Department of Social Welfare, mananatili pa rin ang mga evacuee sa Villamor High School.

Samantala, sa Barangay Antonio, Pasig City naman, nasunog din ang isang commercial-residential area nitong Miyerkoles.
    
Patay ang caretaker na kinilalang si "Helen" na nakulong sa loob ng imbakan ng tela.

"May isa tayong casualty, babae siya nasa late 50s, early 60s ang edad. Natagpuan sa kusina... Suffocation ang cause of death. Mabilis na kumalat ang apoy sa bahay kasi maraming tela," paliwanag ni fire chief insp. Mike Barayuga, deputy fire marshall ng Bureau of Fire Protection-Pasig.

Nadamay sa sunog ang katabing tindahan at karinderya, bago naapula makalipas ang isang oras.
    
Tinatayang aabot sa P300,000 ang halaga ng pinsala ng apoy. —Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.