Miss Universe Catriona Gray sa New York na magpa-Pasko?

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2018 01:58 PM

Si Philippine bet Catriona Gray ang kinoronahan sa ika-67 edisyon ng Miss Universe na ginanap sa IMPACT Arena sa Bangkok nitong Disyembre 17, 2018. Kuha ni Athit Perawongmetha, Reuters

Bilang Miss Universe 2018, parte ng responsibilidad ni Catriona Gray ang manatili nang isang taon sa New York, USA kung saan nakabase ang headquarters ng Miss Universe Organization. 

Kaya tanong ng marami, sa bago niyang tahanan sa New York na nga ba magdiriwang ng Pasko ang Pinay beauty queen?

Sa panayam ng DZMM nitong Lunes sa Bangkok, Thailand, sinabi ni Gray na wala pang nailalatag na plano ang organisasyon pero handa daw siya saan man dalhin. 

"I don't know eh. Wherever they need me to be, I'll be there," masayang kuwento ni Gray.

Sa kaniya namang kauna-unahang press conference, natanong si Gray kung ano ang pinakaaabangan niyang gawin sa New York. 

"I am so excited. I have so many Broadway shows that I'd love to see. And it'll be awesome to experience autumn, winter because we don't have that in the Philippines," tugon ni Gray.

Pero paniguro niya, uuwi muna siya sa Pilipinas para ihandog ang kaniyang "pamasko" sa mga sumuportang kababayan.

"I think we'll be coming home soon, Pilipinas. I'm so honored that I can give you this Christmas gift."

Si Gray ang kinoronahan sa ika-67 edisyon ng Miss Universe na ginanap sa IMPACT Arena sa Bangkok. 

Siya na ang ika-4 na Miss Universe mula sa Pilipinas matapos nina Pia Wurtzbach noong 2015, Gloria Diaz noong 1973, at Margie Moran noong 1969.

Binati rin ng tatlong Miss Universe mula sa Pilipinas si Gray at pinuri sa kaniyang pambihirang performance.

Sa opisyal na Instagram account ng Miss Universe, pormal nang ipinakilala si Gray bilang bagong tagapagmana ng Mikimoto crown.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Miss Universe (@missuniverse) on

"Welcome to the sisterhood, @catriona_gray," anila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.