ALAMIN: Mga komplikasyon ng teenage pregnancy

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 01:31 PM

Sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng mga kabataang nabubuntis, nagbabala ang isang doktor sa mga komplikasyong maaaring maranasan dahil sa teenage pregnancy.

Nagiging delikado ang teenage pregnancy dahil kadalasan ay hindi pa handa ang katawan ng babae na magdalantao dahil sa mga ganoong edad ay patuloy ang pag-develop ng kaniyang katawan, sabi ng obstetrician-gynecologist na si Kathryn Ongoco-Perez sa programang "Salamat Dok."

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga pagkakataon din umanong kulang sa suporta o gabay ang teenager dahil nahihiya siyang ibunyag ang pagbubuntis sa pamilya o ibang taong maaaring makatulong sa kaniya.

"Dahil nga maaga at takot pa silang sabihin sa mga magulang nila... hindi sila nakakapagpa-check up, hindi nakakainom ng mga tamang bitamina para sa pagbununtis," ani Perez.

"Ang nagiging consequence noon, hindi lumalaki iyong bata, nagkakaroon ng problema at ang mga teenager na nagbubuntis, prone din sa mga sakit o complications," dagdag niya.

Isa sa mga komplikasyon ng teenage pregnancy ay pregnancy-induced hypertension o altapresyong bunsod ng pagbubuntis, na maaaring mauwi sa premature birth o maagang panganganak.

Maaari ring makaranas ng postpartum depression o depresyon ang teenager matapos manganak.

"Kasi hindi sila ready tapos wala silang makausap, nahihiya sila, pinag-uusapan sila dahil ang aga-aga nilang nabuntis," ani Perez.

Kapag hindi naagapan, puwede umanong mauwi ang depresyon sa psychosis o iyong malubhang pagkasira ng isip na nagbubunga ng pagkatiwalag sa realidad.

Hindi lamang sa ina nagiging delikado ang psychosis kundi pati sa inaalagan niyang sanggol.

Ayon kay Perez, mid-20s ang "ideal age" o wastong edad para magbuntis ang isang babae.

"At least 'yong mga egg cells natin, hindi masyadong bata at hindi masyadong matanda," aniya. 

Noong Oktubre, hinimok ng Commission on Population and Development ang gobyerno na magdeklara ng "national emergency on early pregnancy" kasunod ng pagdami ng mga insidente ng teenage pregnancy sa bansa.

Nasa 530 babaeng may edad 10 hanggang 19 ang nanganganak kada araw, ayon sa POPCOM.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.