EcoWaste Coalition may payo sa mga bibili ng laruan para sa Pasko

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2019 03:18 PM

MAYNILA — Pinayuhan ngayong Linggo ng environmental group na EcoWaste Coalition ang mga mamimili na maging maingat sa pagpili at pagbili ng mga laruang ipanreregalo sa mga bata sa darating na Pasko.

May mga laruan kasing nagtataglay ng mga sangkap na mapanganib sa kalusugan ng mga bata, at mga laruang hindi angkop sa bata base sa kanilang mga edad kaya mainam na tingnan ang mga patnubay sa packaging, ayon kay Thony Dizon, chemical safety campaigner ng grupo.

"Dapat ang mga manufacter ng mga laruang ito ay may mga patnubay na inilalagay sa packaging ng kanilang mga ibinebentang laruan, kung ano ang idinudulot na peligro sa kalusugan ng mga bata," ani Dizon sa paglulunsad ng toy safety campaign ng grupo.

"Isang ligtas na pagdiriwang ng Kapaskuhan ang aming hiling para sa mga bata sa kanilang mga gagamiting laruan," aniya.

MGA HAZARD

Tinukoy din ng grupo ang mga panganib na maaaring idulot ng mga laruan sa bata, gaya ng chemical hazard o iyong mga laruang hinaluan ng mga nakalalasong kemikal gaya ng cadmium, lead, at mercury.

Nariyan din umano ang choking hazard o mga maliliit na laruang posibleng malunok ng bata, at makabara sa kanilang mga lalamunan o makapinsala sa paghinga o panunaw.

Laceration hazard naman umano ang mga laruang maaaring makahiwa sa bata dahil sa matatalas na parte.

Ayon pa sa grupo, may mga laruan ding puwedeng magdulot ng strangulation hazard o may kable o taling maaaring makabigti sa bata, at eye injury hazard o matulis na bahaging makatutusok sa mata ng bata.

Pinaalalahanan din ng EcoWaste Coalition ang mga magulang na patnubayan ang mga anak sa paglalaro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.