Tour driver mula Bohol pinarangalang 'Pinoy Tsuper Hero'

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 08:14 PM

Hindi naging hadlang para kay Augusto Pascual ang mga naging pagsubok niya para marating ang kaniyang tagumpay. Angela Coloma, ABS-CBN News

MAYNILA - Pinarangalan ang isang tour driver mula Tagbiliran City bilang ikaapat na "Pinoy Tsuper Hero" ng ABS-CBN Foundation, Phoenix Petroleum, at Bayan Academy sa Dolphy Theatre, Huwebes. 

Napanalunan ni Augusto Pascual ang P100,000 prize money, kabilang na ang P1 milyong halaga ng insurance at bagong sasakyan. 

Si Pascual ang napili mula sa 12,000 nominee ngayong taon mula sa iba't ibang panig ng Pilipinas. 

Isinalang ang mga nominee sa mga training, interview, at pinag-draft ng community project, na sinuri ng isang komite. 

Nabigyan pa ng karagdagang P100,000 si Pascual para sa kaniyang isinumiteng community project na layong magpatayo ng garahe para sa mga modernong public utility vehicles (PUV). Maglalaman daw ito ng mga kompletong kagamitan para sa mga mamamasadang tsuper. 

Ang tricycle driver na si Joseph Membrillo naman mula Tacloban City, Leyte ang pinarangalang 1st runner-up. Nabigyan siya ng P50,000 cash prize. 

Second runner-up ang tricycle driver na si Eusebio Fabia, na taga-Tacloban din. Nabigyan siya ng P30,000 cash prize. 

Bukod sa mga nabanggit na parangal, nabigyan pa sina Membrillo, Fabia, at Pascual ng P10,000 matapos maging parte ng Top 10 ng kompetisyon. 

 'TSUPER HERO' 

Hindi naging hadlang ang mga pagsubok ni Pascual para makamit ang kaniyang mga parangal. Naging motibasyon ang kaniyang mga karanasan para maging huwaran para sa kaniyang pamilya. 

"Siguro nga dahil ako ay mahal ng Panginoon, 'ginayd' ako ng Holy Spirit na [nasa] broken family ka na nga, tapos magrerebelde ka pa. Sarili ko lang ang masisira," aniya. 

Nagsimulang mamasada ni Pascual taong 2012 at kalauna'y naging chairman din ng kaniyang kooperatiba. 

Bilang tour driver, namamasada si Pascual sa tourist spots sa kaniyang siyudad. Siya rin ang nagbibigay ng mga tour sa mga turista. 

Sa panayam sa ABS-CBN News, nagulat si Pascual sa naging resulta ng kompetisyon.

"Overwhelmed ako. Pero alam ko sa sarili ko na pinaghirapan ko ang community project ko. Additional blessing na lang 'yung [nanguna ako]," pahayag ni Pascual. 

Layon daw niyang gamitin ang nakuhang mga premyo para mapalago ang kaniyang ibinabalangkas na community project.

Pahayag ni Pascual, patunay ang kaniyang parangal na hindi lahat ng mga tsuper ay "barumbado." 

"Sana po itong [kompetisyon] maging binhi ng mabuting gawain para maibalik sa magandang image ang mga tsuper," ani Pascual. 

Kasama sa mga premyo niya ang business package at libreng produktong petrolyo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.