Hotel training para sa mga may down syndrome isinagawa sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 08:56 PM | Updated as of Sep 01 2019 05:05 PM

Watch more in iWantTFC

Sumabak sa basic hotel training program ang ilang estudyanteng may down syndrome sa Davao City, at pinatunayang kaya nilang gampanan ang iba't ibang uri ng trabaho basta't mabigyan ng oportunidad. 

Sa ilalim ng training program ng Down Syndrome Association of the Philippines (DSAP), 10 araw sumailalim sa programa ang mga estudyante sa Green Windows Dormitel sa lungsod. 

Ang DSAP ang nagrekomenda sa hotel na tanggapin ang mga estudyante bilang trainee. 

Limang araw tinuruang magmando ng front desk ang mga estudyante habang limang araw naman silang tinuruan sa housekeeping kagaya ng paglilinis at pagtupi ng pobre kama. 

Sa unang pagkakataon nilang tumanggap ng trainees, pito ang nagtapos sa programa. 

Nagpasalamat si Joy Omar, magulang ng isa sa mga estudyante, sa pamunuan ng hotel na tumanggap sa kanilang mga anak.

Hiling naman ng isa pang magulang na si Daina Borja na mawalan na ng diskriminasyon sa mga may special needs tulad ng kaniyang anak. 

Dahil sa programa, pinaplano na ng Green Windows Dormitel na tumanggap ng mga may down syndrome sa kanilang kompanya. 

Nakikipag-ugnayan na rin ang DSAP sa Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority, at Public Employment Service Office para sa mga kaparehang proyekto. 

-- Ulat ni Vina Araneta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.