Ilang inmate sa Legazpi City nagdidisenyo ng mga Christmas decor

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 04:10 AM

Watch more in iWantTFC
Nagsusumikap ang ilang mga inmates na kumita sa loob ng bilangguan sa pamamagitan ng paggawa ng parol at iba't-ibang mga Christmas decorations. Mula kay Karren Canon

LEGAZPI CITY, Albay - Nagsusumikap na makapag-hanapbuhay ang ilang inmate sa Legazpi City District Jail matapos iba't-ibang livelihood project ang inilaan sa kanila ng Bureau of Jail Management and Penology.

Pinakabagong proyekto nila na inumpisahan lang noong nakaraang linggo ang paggawa ng Christmas decorations.

Ang mga babaeng persons deprived of liberty (PDL) ang gumagawa ng ng dekorasiyong gawa sa retaso.

Handmade Christmas ornaments ang tawag nila dito na swak na dekorasyon sa mga Christmas tree.

Isa sa mga gumagawa nito ang 51-anyos na si "Aling Alona" na mag-dadalawang taon na rin sa piitan.

Tatlo ang kaniyang anak at dalawa pa sa mga ito ang nag-aaral.

Patay na ang kanyang asawa kaya nagsumikap na makasali sa grupo para kumita.

"Nagpapasalamat po kami na may ganitong livelihood project lalo na sa panahon ngayon na ang hirap ng buhay," aniya.

Ayon kay Jail Warden Senior Inspector Ralph Bobis, ang mga tauhan sa pasilidad ang nakaisip at nagturo ng pangkabuhayan sa mga PDL.

Nasa P25 hanggang P50 ang halaga ng tatlong piraso ng mga handmade Christmas ornaments.

"Malaking tulong po ito sa kanila. Magbibigay ito ng dagdag kita ngayong darating na ka-Paskuhan. Magbibigay sa kanila ng pag-asa para mabigyan ng tulong, hindi lang sila, kun'di makapagpadala sa kanilang mga pamilya sa darating na Pasko," ani Bobis.

Bukod sa mga Christmas decor, sinimulan na rin ng mga lalaking PDL ang paggawa ng mga parol na pwede na rin nilang ibenta bago matapos itong buwan.

Hiling nila ang suporta ng publiko sa kanilang livelihood project para matulungan ang kani-kanilang pamilya lalo na ngayong papalapit na ang Pasko.--Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.