Naiwang pouch na may lamang P146,000, ibinalik ng security guard sa may-ari

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2020 11:56 PM

Nagsauli ang security guard na si Lilibeth Reñes ng pouch na may nilalalamang nasa P146,000 halaga ng pera. Larawan mula SM City Legazpi

LEGAZPI CITY - Hindi nagdalawang isip ang isang 40-anyos na guwardiya sa isang mall sa Legazpi City na ipaalam sa management ang napulot na pouch na naglalaman ng malaking halaga ng pera.

Ayon kay Lilibeth Reñes, napulot niya Lunes ang naturang pouch sa upuan sa food court pero hindi siya nagka-interes na buksan ito.

Dinala ni Reñes ang pouch sa management ng mall hanggang sa naibalik sa may-ari.

Labis ang pasasalamat ng may-ari ng pouch kay Reñes. Tumangging magpakilala ang may-ari ng pouch na taga-Camarines Sur.

Ayon sa may-ari napansin nyang nawawala ang kanyang pouch nang makalabas na sya ng mall kaya bumalik sya at nagbakasakaling mahanap nya ang pouch.

Aabot sa P146,000 halaga na pera ang laman ng pouch.

Dalawa ang pinag-aaral na anak ni Reñes, na tricycle driver ang asawa.

Pero sa kabila ng hirap ng buhay, hindi raw ito dahilan para gumawa ng masama.

Saludo ang pamunuan ng mall kay Reñes.

Taga-Tabaco City si Reñes na 10 taon nang nagtatrabaho sa mall.--Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.