Sagot sa pangongopya? Hugot lines habang exams

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 03:38 PM | Updated as of Oct 18 2019 04:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Isang guro ang nakaisip ng isang paraan para maiwasan ang pangongopya habang kumukuha ng eksaminasyon ang kaniyang mga estudyante sa kolehiyo.

"Naisip ko po noong past na nagpapa-exam ako, kahit po anong higpit ng guro ay nagkakaroon pa rin po ng kopyahan kasi nga open 'yung armchair nila," pahayag ni Darren Tolentino.

Si Tolentino ay nagtuturo ng History at Life and Works of Rizal sa Laguna State Polytechnic University sa Siniloan, Laguna. Siyam na sections ang hawak niyang klase.

Nag-viral sa social media ang mga retratong ibinahagi sa Facebook account ni Tolentino noong Oktubre 9 habang may midterm exam ang kaniyang mga estudyante.

"Naisip ko long folder. Sabi ko po ang plain naman ng long folder na 'yun kung wala man lang nakasulat sa labas para sakto po 'in' ngayon sa social media 'yung mga hugot-hugot po kaya pinagsulat ko sila ng hugot nila about exams, sa buhay nila, sa lovelife nila --ayun po ang resulta," kuwento ni Tolentino sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga.

Nakakuha ng 14,000 reactions at nai-share nang higit 53,000 beses ang post ni Tolentino sa Facebook.

"Nakakataba po ng puso kasi nagtuturo na po ako, nakakapagpasaya pa po pala ako ng tao," sabi ni Tolentino.

Paniwala ni Tolentino na naging epektibo siyang guro at nakapagpasaya pa ng kaniyang mga estudyante.

"Sa awa ng Diyos, wala namang bumagsak sa exam ko po, lahat sila pasado," sabi niya.

Laking pasalamat din niya at sa nasabing propesyon siya napadpad.

"Sobra pong saya maging teacher. Ako po ay 'di dapat mag-aaral. Sabi ng nanay ko mag-teacher ako... kaya nag-teacher ako," sabi niya.

Sa kabila ng pagod sa mahabang oras na nakatayo at nagsasalita sa harap ng klase, ang lahat ng ito ay napapawi sa pagpapahalaga na ibinibigay sa kaniya ng kaniyang mga estudyante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.