Pulis pinuri sa pag-alalay sa isang PWD para makatawid ng kalsada

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2020 02:24 AM | Updated as of Sep 25 2020 02:55 AM

Umani ng papuri ang pulis na si Police SSgt. Charito Gernale Dico matapos ito makitang tumutulong sa isang PWD na makatawid sa kalsada sa Naga City. Kuha ni Ronald Rodriguez

NAGA CITY—Usap-usapan sa social media ang larawan ng isang pulis na inaalalayan ang isang lalaking naka-wheelchair na makatawid ng daan.

Kuha ito ng netizen na si Ronald Rodriguez habang nagmamaneho sa intersection ng Peñafrancia Ave. at Colgante Bridge sa Naga City noong Sept. 15 ng gabi.

Humanga at nagpasalamat si Rodriguez sa pulis dahil sa halip na itawid lang ay inalalayan nito ang PWD hanggang makarating sa mas ligtas na bahagi ng kalsada.

“Nakaka ogmang hilingon (Nakatutuwang pagmasdan). Salamat sa mga sinserong mag-sirbeng mga pulis!”

Ang pulis sa litrato ay si Police SSgt. Charito Gernale Dico, na isang Waraynon na bagong destino sa Naga City Police Office.

Kwento ni Dico, daanan ng 58-anyos na si Luis Borce ang lugar tuwing tanghali para mamalimos sa Naga Metropolitan Cathedral hanggang gabi.

Pero bukod sa ligtas na makatawid ng kalsada, tinitiyak din umano ni Dico na nakapaghapunan na si Tatay Luis para magpapahinga na lang pag-uwi ng bahay nito sa Bgy. Balatas.

“Pagdadaan niya po sa area namin, [bibigyan] ko si tatay ng sobra namin na pagkain, naka-pack lunch, tapos inaabutan na rin siya ng pera para panggastos sa araw-araw," aniya.

Pero noong una pa man, kilala na si Dico bilang matulunging pulis.

Noong bahagi pa ng 501st Maneuver Company ng PNP-Camarines Sur, mga bata sa Bgy. Panoypoyan, Bula ang binibigyan niya ng ayudang pagkain.

“Itong binibigay ko pong bigas sa mga bata sa Panoypoyan, 'yung po 'yung share ko sa rice allowance,” ani Dico.

Kapag nakapag-off sa trabaho, plano ni Dico na hatiran si Tatay Luis ng grocery para di na nito kailangan manlimos ng ilang araw lalo’t may pandemya ng COVID-19.

Nagpasalamat rin siya sa mga positibong reaksyong natanggap, sa kabila ng mga batikos sa pambansang pulisya.”--Ulat ni Jonathan Vega Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.