Boom, ayuda! Puppeteers kumakalap ng pera pang-ayuda sa mga jeepney driver

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2020 06:47 PM

Larawan mula sa Lockdown Puppet Show Facebook Page

MAYNILA - “Boom, ayuda” ang sabay na sigaw ng dalawang puppets na sina Mang Kano at Boy Banat ng Lockdown Puppet Show.

Bida ang dalawa sa gaganaping ikalawang ratsada ng online fundraising para sa mga jeepney driver na matinding naapektuhan ng lockdown dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

“Ginagawa namin, kumakalap kami ng pera para makatulong sa mga drivers. Nasimulan na natin noong Sept. 6, namigay na tayo ng ayuda,” ayon kay John Rady Pineda.

Sa panayam sa Lingkod Kapamilya sa TeleRadyo, Biyernes ng umaga, ipinaliwanag ni Pineda at kasama niyang si Danilo Pineda na ang proyekto ay bunga ng kolaborasyon nilang mga magkakaibigan.

“Mga performers talaga kami, mga magicians, puppeteers. Gumagawa po kami ng mascots at puppets. Isa rin po kami sa nawalan ng trabaho ngayong lockdown,” sabi ni John Rady.

Naging matagumpay ang una nilang ginawang fundraising kung saan nakalikom sila ng pera para makabuo ng 340 bags na pang-ayuda sa mga street dweller at mga driver.

Samantala, habang naka-lockdown, abala ang kanilang grupo sa pagbibigay ng workshop sa mga teacher na gagamit ng puppet sa kanilang pagtuturo habang hindi pa muna pinapayagan ang face-to-face learning ngayong may pandemya.

“Ngayong natigil 'yung paggawa namin ng produksyon ng mascot at puppets, nag-focus kami sa puppets kasi ito ang ginagawang platform ng teachers ngayon,” dagdag ni John Rady.

Nakatakda ang second wave ng kanilang ayuda sa Oktubre 3 kung saan mga driver ng Maynila at Quezon City naman ang kanilang target.

Mapapanood naman araw-araw ang performance ni Mang Kano at Boy Banat sa Bigo.Live (ID: RADY0397) at sa kanilang Facebook page na Lockdown Puppet Show tuwing Sabado, alas-10 ng umaga.