'May sinumpaan kami': Nars tinulungan ang street dweller na manganak sa bangketa

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2020 04:39 PM | Updated as of Aug 19 2020 11:43 PM

MAYNILA — Hinangaan ang isang nars dahil sa pagtulong niya sa pagpapaanak ng isang street dweller sa bangketa sa Makati kahit papasok na ito sa trabaho. 

Nakalabas na ang sanggol ng 31-anyos na street dweller na nanganak na lang sa bangketa sa kanto ng Osmeña Highway at General Estrella street sa Barangay Bangkal, Makati noong Martes ng umaga.

Tila naging anghel sa puti niyang uniporme ang nurse na si Lorrainne Pingol, na napadaan lang noon at sumaklolo sa rumespondeng rescue team ng barangay. 

Watch more in iWantTFC

Gamit ang equipment ng rescue team, nilabas ni Pingol ang placenta sa nanay at pinutol ang umbilical cord ng babaeng sanggol. 

Nagbilin lang si Pingol sa mga rescuer at umalis na pagsakay ng mag-ina sa ambulansya. 

"Noong nag-baby out na po, hindi naman licensed ang aming mga rescuer na mag-cut ng umbilical cord. Kalmang-kalma siya, kasi naka-bag pa, naka-relax na para bang hindi siya natataranta," ani Christian Jacinto, head ng emergency & disaster response ng Bgy. Bangkal. 

Nagmamadali na rin pala noon papasok si Pingol. Tinanghali na kasi siya ng gising at maglalakad pa nang kalahating oras papunta sa pinagtatrabahuhang health maintenance organization company. 

"There's no other person to help them kundi ako at that period of time, kaya tumulong na ako. Saka nurse din naman ako. May sinumpaan kami, yung good samaritan. Wherever you are kahit outside of work ka, kapag may nangailangan ka, in the name of humanity you have to help because you're a nurse," kuwento ng nars. 

Hindi rin niya inakala na magpapaanak siya lalo't estudyante pa lang siya nang huling maranasang gawin ito. 

"I think it was an easy delivery case, at thankful ako doon kasi kung complicated yung pregnancy ng nanay tapos ganoon yung environment, it would be harder for me and for anyone else to handle her to handle the situation," ani Pingol.

Nagpapasalamat na lang si Pingol na sumunod siya sa tawag ng tadhana at ng tungkulin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.