Delivery man sa Batangas City, nag-Spider-Man costume para sa dialysis ng asawa

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 10:35 PM

BATANGAS CITY - Isang delivery man sa Batangas City ang nagsuot ng Spider-Man costume para mas maka-engganyo ng mas maraming kliyente.

Kilala ang 31 anyos na si Jheelan Ocon bilang Spider-Man delivery rider sa lungsod. Aniya, nagsusuot siya ng costume para mas marami ang magpa-deliver sa kaniya.

Nag-iipon kasi siya ng pambayad sa dialysis ng kaniyang asawang may chronic kidney disease.

Siyam na taong IT supervisor sa isang mall sa Makati si Ocon pero piniling bumalik sa Batangas para maalagaan ang asawa at kanilang tatlong anak.

"Sa sitwasyon po ng asawa ko hindi ko rin po alam kung hanggang kailan po siya kaya pinili ko po talaga na makasama ko siya at pamilya ko, 'yung remaining gusto ko nasa tabi niya ako," ani Ocon.

Saludo naman kay Ocon ang mga empleyado ng mall kung saan siya namimili ng mga kailangan ng kaniyang mga kliyente.

Tinutulungan pa nila si Ocon para mas marami pang maging kliyente sa kaniyang maghapong pagiging delivery rider.

Bagama't patuloy na nagbabanat ng buto para sa pamilya, humihiling ng tulong si Ocon para sa kaniyang asawa.

Pangarap niyang magkaroon ng bagong kidney ang asawa.

Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaring makipag-ugnayan sa Facebook account ni Ocon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.