Mga estudyante dumidiskarte para makabili ng gadgets sa online classes

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 05:39 PM

Sa tulong ng mga donasyon mula sa netizens, nakabili ang Bayan Patroller na si Alvin Eusebio ng laptop, na magagamit nila ng kaniyang mga kapatid para sa kanilang online classes sa pasukan. Retrato mula kay Eusebio

Ngayon may pandemya, online muna ang klase ng second year biology student na si Alvin Eusebio ng Catanduanes State University.

Pero dahil sa hirap ng buhay, walang sariling laptop si Eusebio.

"Mahirap po dito sa amin kasi ang trabaho lang po ng papa ko is magsasaka. 'Yong mama ko, dito lang sa bahay namin," ani Eusebio.

Kaya nanawagan si Eusebio sa mga puwedeng mag-donate para makabili siya ng laptop. Tinawag niya itong "Piso Para Sa Laptop" dahil kahit pisong donasyon ay kanilang tatanggapin na malaking tulong.

Ayon pa kay Eusebio, makikinabang din sa laptop ang 3 pa niyang kapatid na nasa first-year college, grade 10, at grade 7.

Matapos makita ang panawagan ni Eusebio na ibinahagi sa Facebook ng Bayan Mo iPatrol Mo, bumuhos ang tulong para sa estudyante.

"After po ma-feature sa Bayan Mo, iPatrol Mo... marami po ang nagbigay," ani Eusebio.

"Nabili ko po ng brand new 'yong isa pong laptop... masayang-masaya po ako," aniya.

Labis ang pasasalamat ni Eusebio sa mga bukas-palad na tumulong sa kaniyang pamilya.

Pagbubutihin daw nilang magkakapatid ang kanilang pag-aaral alang-alang sa mga tumulong sa kaniya.

Nag-post naman sa Twitter si Allen Luzon ng Baguio City ng mga libro na dati niyang kinokolekta pero ngayon ay binebenta na.

Walang trabaho ang magulang ni Luzon kaya nagdesisyon siyang ibenta ang kaniyang koleksiyon para makabili ng tablet para sa online class.

Nagpasalamat si Luzon sa lahat ng bumili ng mga libro.

Hangad daw niyang makapagbigay ito ng kaalaman at kasiyahan sa kanilang bagong tahanan.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.